Magpapatuloy ngayong araw ang mga gawain sa Senado sa kabila ng umiiral na alternative work arrangement sa mga tanggapan ng pamahalaan bunsod ng masamang panahon.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, kinakailangang ituloy ang mga nakatakdang committee hearing dahil sa dami ng mga isyung nakalinya para talakayin ng mataas na kapulungan.
Kabilang sa mga pagdinig ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa epekto ng online games, mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga estudyante, kabilang ang nangyaring school shooting sa Tacloban at ang pinakahuling pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School.
Tatalakayin din sa magkakahiwalay na pagdinig ang panukalang alisin ang system loss charge sa singil sa kuryente, ang Magna Carta for Micro, Small and Medium Enterprises, at ang pakikipagtuwang ng DepEd, mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan.
Matatandaang kahit suspendido kahapon ang impeachment trial, itinuloy pa rin ng Senado ang plenary session sa hapon, habang work-from-home arrangement naman ang ipinatupad sa mga empleyadong walang direktang tungkulin sa sesyon.











