Umabot na sa tinatayang 10.3 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing itinuturing nilang mahirap ang kanilang pamilya, habang nasa 5.6 milyon naman ang nakaranas ng gutom, batay sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Ayon sa survey, tumaas sa 39% noong Hulyo ang self-rated poverty mula sa 35% noong Marso. Katumbas ito ng tinatayang 1.1 milyong dagdag na pamilya, mula sa dating 9.2 milyon.
Tumaas din sa 21% mula 17% ang self-rated hunger sa parehong panahon, o katumbas ng pag-akyat mula 4.5 milyon tungong 5.6 milyong pamilya.
Gayunman, sinabi ng OCTA Research na 87% ng mga pamilyang nakaranas ng gutom ay nagsabing minsan lamang o ilang ulit nila itong naranasan at hindi palagian.
Pinakamataas naman ang self-rated poverty at food poverty sa Mindanao, habang Balance Luzon ang nakapagtala ng pinakamataas na hunger incidence sa mga pangunahing geographic area. Mas mataas din ang tatlong sukatan sa mga pamilyang kabilang sa Class E.
Isinagawa ang face-to-face survey mula Hulyo 4 hanggang 11, 2026, sa 1,200 respondents na edad 18 pataas. May margin of error na ±3 percentage points para sa national estimates at ±6 percentage points naman para sa NCR, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.
Nilinaw ng OCTA na ang self-rated poverty ay nakabatay sa sariling pagtataya ng mga respondent sa kalagayan ng kanilang pamilya. Hindi ito katumbas ng opisyal na poverty incidence ng Philippine Statistics Authority na gumagamit ng income at poverty-threshold methodology.











