--Ads--

Kasalukuyang isinasagawa sa Cauayan City ang kauna-unahang SK Lympics 2026 na naglalayong mahikayat ang mga kabataan na maging aktibo sa mga programa ng Sangguniang Kabataan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Camilo Ballad, SK Federation President ng Cauayan City, sinabi nitong isa sa mga hamon na kinakaharap ng kabataan ngayon ang pagbaba ng kanilang partisipasyon sa mga aktibidad sa komunidad.

Ayon kay Ballad, layunin ng SK Lympics na magsimula mismo sa mga SK officials ang aktibong pakikilahok upang magsilbing halimbawa sa mga kabataan sa kanilang nasasakupan.


Kasalukuyang ginaganap ang aktibidad sa Cauayan City Stand-Alone Senior High School ngayong araw, Agosto 21 hanggang 22, na nilalahukan ng mga SK officials mula sa West Tabacal Region, Tanap Region, East Tabacal Region at Forest Region.

--Ads--


Bukod sa basketball, tampok din sa SK Lympics 2026 ang volleyball, badminton, pickleball, chess at Mobile Legends tournament.
Ito ang kauna-unahang SK Lympics na isinasagawa sa lungsod.


Samantala, sinabi ni Ballad na maliit lamang ang pondong inilaan para sa aktibidad, ngunit hindi nito ibinahagi ang eksaktong halaga.
Patuloy namang hinihikayat ng SK Federation ang mga kabataan na makilahok sa mga ganitong aktibidad upang mapalakas ang kanilang pakikilahok at interes sa mga programa ng Sangguniang Kabataan.