--Ads--

Pinaigting pa ng Isabela State University (ISU) System ang security measures sa kanilang mga campus kasunod ng mga insidenteng naitala sa ilang paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Boyet Batang, University President ng Isabela State University System, sinabi nitong inatasan niya ang mga campus na magsagawa ng regular at random security checks sa mga estudyante, empleyado, bisita, personal na gamit at mga sasakyang pumapasok sa kanilang premises.

Kabilang dito ang inspeksyon sa mga bag at sasakyan, paggamit ng metal detectors at pagsusuot at pagpapakita ng tamang identification card.

Mahigpit din umanong ipinagbabawal ang pagdadala ng baril, armas at iba pang bagay na maaaring magdulot ng panganib.

--Ads--

Ayon kay Dr. Batang, kailangang i-roll down at ma-inspect ang mga sasakyan ng mga outsider bago makapasok sa campus, habang hinihingi naman sa mga bisita na mag-iwan ng kanilang ID sa gate bilang bahagi ng security measures.

Partikular din umanong binabantayan ang mga pumapasok sa campus tuwing hapon, kabilang ang mga taong nagjo-jogging na hindi personnel ng unibersidad.

Para naman sa mga tricycle driver, kinakailangang rehistrado ang mga ito sa kanilang TODA at may kaukulang koordinasyon sa campus management bago payagang makapasok sa campus.

Sinabi ni Dr. Batang na hindi naman umano gaanong nakaaapekto sa daloy ng trapiko ang ginagawang inspection kaya hiniling nito ang pang-unawa ng mga pumapasok sa campus dahil prayoridad ang kaligtasan ng mga estudyante at buong pamayanan ng unibersidad.

Samantala, sinabi ng opisyal na wala naman silang naitalang seryosong insidente sa kanilang mga campus, maliban sa mga bomb threat na aniya ay karaniwang kagagawan ng mga taong nagbibiro o gumagawa ng kalokohan.