--Ads--

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong obstruction of justice na inihain laban kay Atty. Caroline Cruz, abogado ni Charlie “Atong” Ang, at tatlo pang indibidwal dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Kinumpirma ito ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez nitong Martes, Nobyembre 24, at sinabing hindi sapat ang mga ebidensyang nakalap upang maisampa sa korte ang kaso laban sa mga respondent.

Sa resolusyon ng DOJ, itinanggi ni Cruz ang mga alegasyon at iginiit na ang pinansyal na tulong na natanggap ng mga pamilya ng nawawalang sabungero ay purong humanitarian assistance sa pamamagitan ng kanilang foundation na Providing Indigent Timely Medical and Service for Targeted Emergency Relief o P.I.T.M.A.S.T.E.R.

Binigyang-diin din ni Cruz na walang anumang kondisyon ang pagbibigay ng tulong upang pigilan ang mga benepisyaryo na tumestigo, dumalo sa mga pagdinig sa korte o ipagpatuloy ang kanilang mga reklamo.

--Ads--

Matatandaang naghain ng reklamo ang mga pamilya ng nawawalang sabungero noong Mayo matapos umanong alukin ng pinansyal na tulong kapalit ng hindi pagdalo sa mga pagdinig sa korte.

Ayon sa isa sa mga nagreklamo, may ilang pamilya umanong inalok ng P20,000 hanggang P40,000 kada buwan kapalit ng pagsang-ayon sa naturang kondisyon.

Samantala, nananatiling nawawala at pinaghahanap ng mga awtoridad si Atong Ang, na nahaharap sa apat na arrest warrant na inilabas ng iba’t ibang Regional Trial Court sa Laguna, Batangas at Maynila.