--Ads--

Posibleng agad na isunod sa impeachment trial ang Article 2 na tumutukoy sa umano’y unexplained wealth at paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Manila Representative at impeachment prosecutor Joel Chua, kabilang sa pinag-aaralan ng prosecution team ang pag-usad sa Article 2 matapos ang naunang mga alegasyon laban sa bise presidente.

Sa ilalim ng Article 2, inaakusahan si Duterte na may tinatayang ₱4.4 bilyong yaman na hindi umano naideklara sa kanyang SALN.

Iniuugnay ang alegasyon sa mga transaksyong iniulat umano ng Anti-Money Laundering Council o AMLC sa mga bank account nina Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

--Ads--

Ayon sa prosecution, umabot umano sa ₱6.7 bilyon ang kabuuang galaw ng pera sa kanilang mga account, kabilang ang tinatayang ₱4.4 bilyong pumasok at ₱1.5 bilyong lumabas na pondo.

Inihahambing ito sa ₱88.5 milyong net worth na idineklara ni Duterte sa kanyang 2024 SALN.

Samantala, sinabi ni Chua na hindi pa tiyak kung isasalang pa ng prosecution ang Article 3 o ang alegasyon ng bribery o panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education.

Ayon sa mambabatas, pag-aaralan muna ng prosecution ang lakas ng mga ebidensya sa mga natitirang artikulo, kabilang ang grave threat, confidential funds at unexplained wealth, bago magdesisyon kung itutuloy pa ang bribery charge.