Magpapatuloy ang mga pag-ulan sa Luzon dahil sa Southwest Monsoon o Habagat sa Lunes, habang tatlong weather system ang mino-monitor ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, Batanes ang may pinakamataas na posibilidad na makaranas ng monsoon rains. Mataas din ang posibilidad ng malakas na ulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Batangas, Rizal at Occidental Mindoro.
Sa iba pang bahagi ng Luzon, inaasahan ang isolated rain showers dahil pa rin sa Habagat.
Samantala, magiging mainit at maalinsangan naman ang panahon sa Visayas at Mindanao, bagama’t posible pa rin ang mga isolated rain showers.
Isa sa tatlong weather systems na mino-monitor sa labas ng PAR ang Typhoon Saudel, na huling namataan sa layong 1,950 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay ang maximum sustained winds na 165 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 205 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Ayon sa state weather bureau inaasahang papasok ang bagyong Saudel sa PAR sa Lunes ng umaga o hapon. Posible rin itong lumakas pa at maging super typhoon bago pumasok sa PAR.
Gayunpaman, dahil sa layo nito, hindi inaasahang direktang tatama ito sa kalupaan ng Pilipinas at posible ring lumabas ng PAR pagsapit ng Martes.
Ayon pa sa weather bureau, mas lalakas pa ang Habagat at mataas ang posibilidad ng pag-ulan hanggang sa Miyerkules.
Samantala, mino-monitor din ang dalawang Tropical Depression sa labas ng PAR.
Isa rito ay nasa layong 1,265 kilometro silangan ng Southeastern Luzon, taglay ang lakas ng hanging 55 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-silangan sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, posibleng sundan nito ang direksyon ng Typhoon Saudel kaya hindi isinasantabi ang posibilidad na makapasok ito sa PAR.
Habang ang Tropical Depression Gaeneri, na dating tinawag na bagyong Neneng, ay huling namataan naman sa layong 520 kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes.
Patuloy itong mino-monitor ngunit wala na itong direktang epekto sa bansa.











