Inatasan ng Senate impeachment court ang isang retirado at dalawang kasalukuyang opisyal ng militar na tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay lead prosecutor Gerville Luistro, inaasahang haharap sa impeachment court sa Agosto 27 sina retired Colonel Manaros Boransing II, Colonel Magtangol Panopio at Major General Adonis Bajao kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng Department of Education noong 2023.
Sinabi ni Luistro na itinakda ang pagtestigo ng tatlong opisyal matapos hindi makadalo ang susunod na hostile witness na si Edward Fajarda, na umano’y nakaranas ng stroke.
Matatandaang sa pagdinig ng Kamara noong 2024, lumitaw ang usapin tungkol sa liquidation ng P15 milyong confidential funds ng DepEd na ginamit umano para sa mga informant noong panahong si Duterte pa ang kalihim ng kagawaran.
Sa naturang pagdinig, sinabi nina Boransing, Panopio at Bajao na bagama’t lumitaw ang kanilang mga lagda sa mga sertipikasyon, hindi umano nila alam na gagamitin ang mga ito para sa liquidation ng confidential funds ng DepEd.
Nauna nang iginiit ng mga opisyal na wala silang kaalaman sa layunin ng mga dokumentong kanilang nilagdaan.
Samantala, bago ang pagtestigo ng mga opisyal ng militar, inaasahang haharap muna bilang hostile witness sa Agosto 25 si Office of the Vice President Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.











