Kinuwestiyon ng House prosecution team ang naging pakikipagpulong ng kanilang hostile witness na si dating Office of the Vice President o OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa abogado ni Vice President Sara Duterte bago ang kanyang pagtestigo sa impeachment trial.
Ayon kay House prosecution panel spokesperson Benjamin Tolosa Jr., sinabi ni Acosta sa impeachment court na nakipagkita siya kay defense lawyer Lindon Bacquel noong nakaraang linggo, ngunit kalaunan ay itinama ito at sinabing noong nakaraang dalawang linggo pa.
Sinabi ni Tolosa na mahalagang masuri ng mga senator-judge ang naturang pahayag dahil nauna nang inanunsiyo ng prosecution na magiging witness nila si Acosta.
Iginiit niya na dapat masagot kung bakit nakipagkita ang witness sa isa sa mga abogado ng respondent gayong hindi naman ito kabilang sa mga akusado sa impeachment case.
Matatandaang tumestigo si Acosta na siya ang naglabas ng kabuuang P500 milyong confidential funds ng OVP mula 2022 hanggang 2023 kay Colonel Raymund Lachica, na nagsilbing security officer ng tanggapan.
Ayon sa kanyang testimonya, ginawa niya ito kahit hindi si Lachica ang accountable officer para sa naturang pondo batay sa umiiral na guidelines sa paggamit ng confidential funds.
Samantala, sinabi ng prosecution na ang mga pangyayaring ito ay dapat ikonsidera ng impeachment court sa pagbusisi sa testimonya ng witness.











