Mabilis na inaprubahan ng Senado nitong Huwebes ng hapon ang panukalang ₱785.2 milyong budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa fiscal year 2027.
Personal na dumalo sa session hall si Vice President Sara Duterte ilang minuto bago simulan ang deliberasyon sa panukalang pondo.
Pormal na iniharap ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito ang budget sa plenaryo, subalit walang senador na nagtanong o nagsagawa ng interpelasyon.
Agad namang iminungkahi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ipagkaloob ang tradisyunal na courtesy sa OVP, na nangangahulugang aprubahan ang panukalang budget nang walang karagdagang pagtatanong.
Inaprubahan naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mosyon matapos walang tumutol mula sa hanay ng mga senador.
Dahil dito, tuluyang naaprubahan ang panukalang budget ng OVP sa loob lamang ng isang minuto.
Ayon sa OVP, gagamitin ang pondo upang maipagpatuloy ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga benepisyaryo sa buong bansa.
Kabilang sa alokasyon ang ₱220.2 milyon para sa Personnel Services, ₱561.6 milyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses at ₱3.3 milyon para sa Capital Outlay. May nakalaan ding ₱15.5 milyon para sa Retirement and Life Insurance Premium ng mga kawani ng tanggapan.
Matatandaang mabilis ding inendorso ng Senate finance subcommittee ang panukalang budget ng OVP noong Oktubre, matapos ang 16-minutong briefing kung saan hindi personal na dumalo si Duterte at kinatawan lamang siya ni OVP Chief of Staff Zuleika Lopez at iba pang opisyal.











