Nananatiling sapat umano ang suplay ng P20 kada kilong bigas sa Isabela, kung saan halos 371,000 sako ng bigas ang maaaring i-issue sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Louise Marie Macarto, Assistant Branch Manager ng NFA, sinabi niyang patuloy ang operasyon ng mga redemption sites na pinamamahalaan ng Food Terminal Incorporated (FTI).
May apat na redemption sites sa Isabela na matatagpuan sa Mabini, Santiago City; Sinabbaran, Echague; San Pedro, Roxas; at Daramuangan Norte.
Ayon kay Macarto, inilagay ang mga redemption sites malapit sa mga pangunahing NFA warehouse upang mabawasan ang gastos sa pagbiyahe at paglipat ng mga stocks.
Nagsimula ang programa noong Agosto 2025 at nagpapatuloy mula Lunes hanggang Biyernes, alas-6 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, maliban sa holidays.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang senior citizens, PWDs, solo parents, 4Ps beneficiaries, TODA drivers, DepEd teachers at RSBSA farmers.
Para sa RSBSA farmers, hanggang 10 kilo ang maaaring bilhin sa bawat purchase, ngunit maaari nilang piliing kunin ang allocation para sa limang buwan na katumbas ng 50 kilo o isang sako.
Samantala, hanggang 10 kilo bawat purchase naman ang maaaring bilhin ng ibang benificiaries na nabanggit at maaari silang bumili hanggang tatlong beses kada buwan, o kabuuang 30 kilo.
Sinabi ni Macarto na maganda naman umano ang pagtanggap ng mga benepisyaryo dahil bukod sa abot-kayang presyo ay newly milled at dekalidad ang mga bigas na inilalabas.
Tiniyak din niyang sapat ang stocks para sa Isabela at nakapagsusuplay pa ang NFA ng bigas sa ibang lugar, kabilang ang NCR.
Maaari ring makilahok ang iba pang lokal na pamahalaan sa programa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa FTI upang matukoy ang pinakamalapit na NFA warehouse na magsusuplay sa kanilang lugar.
Samantala, mahigpit na pinaalalahanan ang mga benepisyaryo na huwag ipagamit o ipabenta sa mga negosyante ang kanilang nabibiling P20 kada kilong bigas.
Ayon kay Macarto, maaaring hindi na payagang muling bumili sa programa ang mga benepisyaryong mapatutunayang ginagamit ang kanilang allocation para sa muling pagbebenta ng bigas sa mas mataas na presyo.











