Posibleng bumaba ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene sa susunod na linggo kasunod ng paghina ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa monitoring ng oil trading mula Agosto 24 hanggang 26, tinatayang maaaring bumaba ng hanggang P3.50 kada litro ang diesel at kerosene, habang nasa P1.10 kada litro naman ang rollback sa gasolina.
Gayunman, hindi pa pinal ang mga pagtatayang ito dahil maaari pang magbago ang presyo depende sa galaw ng world oil market at foreign exchange rate bago ang opisyal na anunsyo ng mga kumpanya ng langis.
Ayon sa mga ulat, bumaba ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado habang sinusuri ng mga trader ang epekto ng pinalawak na economic sanctions ng Estados Unidos laban sa Iran. Bahagya naman itong nakabawi dahil sa patuloy na geopolitical uncertainties.
Kung matutuloy ang rollback, mapuputol nito ang dalawang magkasunod na linggo ng oil price hikes sa bansa.
Matatandaang tumaas sa nakalipas na dalawang linggo ang presyo ng gasolina ng kabuuang P3.57 kada litro, diesel ng P6.15 kada litro, at kerosene ng P5.96 kada litro.
Karaniwang inaanunsyo ng mga oil company ang kanilang price adjustments tuwing Lunes bago ito ipatupad kinabukasan.











