Target ng Department of Education o DepEd na makapag-deploy ng 10,000 School Counselor Associates sa mga pampublikong paaralan bago matapos ang taon upang palakasin ang mental health at psychosocial support sa mga mag-aaral.
As of Agosto 27, 9,702 posisyon na ang nai-post sa AGAP hiring platform ng DepEd. Sa mga ito, 785 ang bukas para sa aplikasyon, 8,811 ang nasa assessment at 106 ang nasa appointment stage.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalaga ang pagkakaroon ng mga pinagkakatiwalaang adult sa paaralan na maaaring lapitan ng mga estudyanteng may pinagdaraanan.
Pinaiikli rin ng DepEd sa 36 araw ang hiring process para sa SCA, lalo na sa mga paaralang may mataas na pangangailangan sa mental health services o may mga kaso ng bullying.
Sa ilalim ng RA 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, tutulong ang SCA sa basic psychosocial support, mental health information, monitoring at referral, habang ang counseling ay dapat isagawa ng kwalipikadong school counselor.
Kasama na sa 2026 national budget ang 10,000 SCA positions, habang humihiling pa ang DepEd ng karagdagang 5,000 items. Ayon kay Angara, tinatayang 48,000 SCA ang kakailanganin upang magkaroon ng tig-isa sa bawat paaralan sa bansa.





