--Ads--

Pinalalawak ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 ang mga programa nito upang matulungan ang mga negosyante at creative workers na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Sa naging pagpapahayag  ni Regional Director Ma. Sofia Narag sa isinagawang presscon sa Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions, Sustainable Tourism, and Creative Industries Development, sinabi nitong kabilang sa kanilang suporta ang pautang para sa mga startup at kasalukuyang negosyo, product development, trade service facilities at capacity-building programs.

Kabilang din dito ang Kapatid Mentor Me o KMME na nagbibigay ng mentoring at gabay sa mga negosyante, kabilang ang mga nasa creative industry.

Ayon kay Narag, tinutulungan din ng ahensya ang mga artist na gawing pagkakakitaan ang kanilang talento. May ilan na umanong nakakagawa na ng mga kanta at jingles, kabilang ang jingle ng Bandang Lima at kanilang auto jingle, habang kumikita rin sa pamamagitan ng pagtatanghal.

--Ads--

Isa rin sa mga pangunahing tinututukan ng DTI ang pagpapaunlad ng bamboo industry sa Isabela, kung saan maaaring gamitin ang kawayan sa paggawa ng construction materials, handicrafts at mga produktong pagkain.

Itinatag din ang Cagayan Valley Creative Industry Council na binubuo ng iba’t ibang ahensya at pribadong sektor upang pagtibayin ang suporta at mga programa para sa creative industry sa rehiyon.