Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga boluntaryo na tutulong sa muling pagre-repack ng family food packs matapos mamahagi ng milyun-milyong relief packs sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad nitong mga nakaraang linggo.
Maaaring mag-volunteer sa Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City at Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue City, Cebu, kung saan isinasagawa ang repacking operations mula Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Ayon kay DSWD National Resource and Logistics Management Bureau Officer-in-Charge Director Jun Eso, makatutulong ang mga volunteer upang maabot ang daily repacking target ng ahensya at mapunan muli ang kanilang supply.
Nabawasan ang imbentaryo ng DSWD matapos mamahagi ng milyun-milyong family food packs sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Sinabi ni Eso na naabot na ng DSWD ang target nitong limang milyong family food packs bago tumama ang mga naturang bagyo, na naipuwesto sa humigit-kumulang 1,000 warehouse sa buong bansa.
Para sa mga nais mag-volunteer, hinihikayat ng DSWD na makipag-ugnayan muna sa NRLMB at magparehistro nang maaga upang maayos ang schedule ng mga volunteers. Pinapayagan din ang walk-ins.
Dapat ay 18-anyos pataas ang mga volunteer. Ang mga menor de edad ay kailangang may kasamang guardian dahil gumagamit ng heavy-duty machinery sa loob ng mga warehouse.
Pinapayuhan din ang mga volunteer na magsuot ng angkop na damit at closed shoes. May orientation bago magsimula at inaasahang makapaglaan ng hindi bababa sa apat na oras ang bawat volunteer.





