Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangangailangang pagbutihin ang kapakanan ng mga Pilipinong nurse sa pamamagitan ng pagpapataas ng nurse-to-patient ratio, pagpuno sa mga bakanteng posisyon, at pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa kanilang career growth.
Sa kanyang talumpati sa Philippine Nurses Association Inc. (PNA) National Annual Convention 2026 sa Pasay City nitong Lunes, kinilala ng Pangulo ang mahalagang kontribusyon ng mga Pilipinong nars sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan sa bansa at sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay Marcos, patuloy na nakikipagtulungan ang kanyang administrasyon sa Department of Health (DOH), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang suportahan ang mga nars at palakasin ang sektor ng kalusugan.
Binanggit din ng Pangulo ang pagtaas ng pondong inilaan para sa Health Emergency Allowance mula ₱6.8 bilyon noong 2022 tungo sa mahigit ₱110 bilyon ngayong 2026 para sa mga healthcare worker sa pampubliko at pribadong sektor.
Samantala, sinabi rin ni Marcos na nagbibigay ang pamahalaan ng mga oportunidad sa trabaho at review classes sa ilalim ng Clinical Care Associates Program para sa mga nursing graduate na hindi pa nakapapasa sa licensure examination.
Umaasa ang Pangulo na sa pamamagitan ng mga programang ito ay mas maraming kwalipikadong Pilipino ang makapapasok sa propesyon, habang napalalakas ang kakayahan at napangangalagaan ang kapakanan ng mga nars sa bansa.











