Tinapos ng Gilas Pilipinas ang fourth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa pamamagitan ng 68-56 panalo kontra Iran nitong Linggo ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos malaglag sa double-digit na kalamangan ng Iran sa unang bahagi ng laro, bumawi ang Gilas at unti-unting nakahabol bago tuluyang kumawala sa fourth quarter.
Nanguna sa opensa ng Pilipinas sina Juan Gomez-de Liano at Dwight Ramos na kapwa nagtala ng 16 puntos.
Malaking ambag din si Kai Sotto matapos magposte ng 13 puntos at game-high na 16 rebounds, bukod pa sa tatlong assists.
Matapos maiwan ng 13 puntos, 18-5, sa unang quarter, nakalamang ang Gilas, 32-29, pagsapit ng second quarter.
Tabla pa ang laro sa 54-all bago nagpakawala ang Nationals ng napakalaking 14-2 run para tuluyang kunin ang panalo.
May 8 puntos at 8 rebounds naman si AJ Edu, habang tig-6 na puntos sina Kevin Quiambao at June Mar Fajardo.
Dahil sa panalo, umangat ang Gilas sa 4-4 win-loss record at nakapuwesto nang maayos para sa top-three finish sa qualifiers.
Samantala, bumagsak ang Iran sa 5-3 at tabla sa Jordan. Nangunguna pa rin ang Australia sa standings sa 8-0, habang nasa ikalawang puwesto ang New Zealand sa 6-2.











