--Ads--

Paiigtingin ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng mga panuntunan sa paggamit ng improvised at temporary plates, kasabay ng mas mahigpit na pagsita at beripikasyon sa mga sasakyang wala pang aktuwal na plaka na inisyu ng Land Transportation Office (LTO).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng Isabela Provincial Highway Patrol Group, sinabi niyang katuwang ng kanilang hanay ang LTO sa pagsasagawa ng operasyon upang matukoy kung ang paggamit ng improvised plate ng mga motorista ay naaayon sa itinakdang requirements at may kaukulang awtorisasyon.

Pinaalalahanan ni PMaj. Bagayao ang mga motorista na gumagamit pa ng improvised plate na laging dalhin ang authorization letter o kaukulang dokumentong inisyu ng LTO, upang maipakita ito sa oras na masita at maisailalim sa beripikasyon.

Sa ilalim ng LTO Memorandum Circular No. VDM-2024-2021, hindi awtomatikong ipinagbabawal ang improvised plate, ngunit limitado ang paggamit nito sa mga partikular na sitwasyong pinahihintulutan ng LTO.

--Ads--

Kabilang dito ang sasakyang naghihintay ng replacement ng nawala o nasirang plaka, kung saan kinakailangang naproseso ng concerned LTO District o Extension Office ang duplicate plate request at may kaukulang awtorisasyon para sa paggamit ng improvised plate.

Dapat ding malinaw na nakalagay sa improvised plate ang assigned plate number ng sasakyan at ang mga salitang improvised Plate.

Samantala, may itinakda ring hiwalay na requirements para sa temporary plates ng mga bagong motor vehicle at motorsiklo.

Para sa bagong four-wheeled motor vehicle, kailangang nakalagay sa temporary plate ang assigned conduction sticker number. Para naman sa private motor vehicles, limitado sa 15 araw mula sa issuance ng sales invoice ang paggamit ng temporary plate.

Sa mga motorsiklo, pinapayagan ang paggamit ng temporary plate na may MV File Number para sa mga motorsiklong binili bago Enero 1, 2023.

Para sa mga bagong motorsiklo o mga binili matapos ang effectivity ng memorandum, hanggang 15 araw mula sa issuance ng sales invoice ang paggamit ng temporary plate.

Ayon kay PMaj. Bagayao, Setyembre 1 hanggang 25 ang panahon ng pagsita at beripikasyon upang mabigyan ng pagkakataon ang mga motorista na makapagpakita at makapagkumpleto ng kinakailangang dokumento.

Hindi pa umano agad mag-iisyu ng traffic citation o magpapataw ng kaukulang traffic violation sa panahong ito, dahil nakatuon muna ang operasyon sa pagpapaalala, pagsita at beripikasyon ng compliance.

Pagsapit ng Setyembre 26, mas mahigpit nang ipatutupad ang mga panuntunan laban sa mga motorista na hindi makapagpapakita ng kinakailangang dokumento o gumagamit ng non-LTO-issued plate na hindi saklaw ng mga pinahihintulutang sitwasyon.

Batay sa memorandum, ang mga sasakyang gumagamit ng hindi awtorisadong non-LTO-issued plate ay maaaring ma-apprehend at patawan ng kaukulang legal na aksyon at penalties alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.

Dahil dito, pinaalalahanan ang mga motorista na ayusin at kumpletuhin ang kanilang dokumentasyon bago ang Setyembre 26, upang matiyak na ang kanilang paggamit ng improvised plate ay naaayon sa mga panuntunan ng LTO at maiwasan ang kaukulang enforcement action.