--Ads--

Napanatili ng bagyong Rosal bilang super typhoon habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa karagatan sa silangan ng Hilagang Luzon.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 845 kilometro silangan ng Hilagang Luzon, taglay  nito ang lakas ng hanging aabot sa 215 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 265 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa West northwestward sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang Batanes habang Signal No. 1 naman ang Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands, at ang mga bayan ng Maconacon, Divilacan, Palanan, Santa Maria, Cabagan, Delfin Albano, Santo Tomas, Tumauini, San Pablo, San Mariano at Dinapigue, gayundin ang Ilagan City sa Isabela.

Kasama rin sa Signal No. 1 ang Ilocos Norte, Apayao, at ang mga bayan ng Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga at Gigmoto sa hilagang-silangang bahagi ng Catanduanes.

--Ads--

Nagbabala rin ang weather bureau sa malalakas na pagbugso ng hangin sa Cagayan Valley, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at iba pang bahagi ng bansa ngayong araw dahil sa pinagsamang epekto ng bagyo at hanging amihan.

Inaasahan ang matataas na alon sa mga baybayin ng Batanes, Cagayan at Isabela. Posibleng umabot sa siyam na metro ang taas ng alon sa hilaga at silangang baybayin ng Batanes, habang hanggang walong metro naman sa hilaga at silangang baybayin ng Cagayan.

Dahil dito, mapanganib ang paglalayag sa mga apektadong karagatan. Pinapayuhan ang mga mangingisda at iba pang sasakyang pandagat na manatili muna sa pantalan at huwag pumalaot hangga’t hindi humuhupa ang hangin at alon.

Inaasahang pinakamalapit ang Rosal sa Extreme Northern Luzon sa pagitan ng Huwebes at Biyernes. Posible itong magsimulang humina ngayong hapon o gabi, maging typhoon pagsapit ng Huwebes at severe tropical storm sa araw ng Linggo.

Pinaalalahanan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga abiso ng PAGASA, dito sa Bombo Radyo Cauayan at mga lokal na awtoridad dahil maaari pa ring makaranas ng malakas na ulan at hangin ang mga lugar na malayo sa sentro ng bagyo.