--Ads--

Ipinaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang tamang proseso at mga panuntunan sa paggamit ng temporary at improvised plates upang maiwasan ang paggamit ng mga pekeng plaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Venancio S. Tuddao, Officer-in-Charge ng LTO Regional Office 2, sinabi nitong maaaring gumamit ng improvised plate ang mga may-ari ng sasakyang nawawala, nasira o hindi pa natatanggap ang kanilang regular na plaka.

Gayunman, kailangan umanong dumaan sa tamang proseso ang may-ari ng sasakyan at kumuha ng authorization mula sa LTO.

Ayon kay ARD Tuddao, kailangang mag-apply muna para sa duplicate plate at isumite ang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang OR/CR at iba pang requirements na nakasaad sa LTO.

--Ads--

Habang hinihintay ang aktuwal na plaka, maaaring gumamit ng improvised plate na may authorization mula sa LTO.

May bisa ang authorization sa loob ng 90 araw at maaari umanong i-renew kung hindi pa rin dumarating ang regular na plaka.

Samantala, ang mga sasakyang mayroon nang assigned o virtual plate number ngunit wala pa ang aktuwal na plaka ay maaari ring gumamit ng temporary plate, basta may kaukulang authorization.

Kailangan ding sundin ang tamang kulay at format ng regular na plaka at malinaw na ilagay sa ibabang bahagi kung ito ay “Improvised Plate” o “Temporary Plate.”

Aniya, nasa LTO portal naman ang proseso at mga kinakailangan sa pagkuha ng duplicate plate.

Tiniyak naman ng opisyal na hindi agad huhulihin ang mga motoristang gumagamit ng improvised o temporary plate kung mayroon silang patunay na nakapag-apply na para sa duplicate o replacement plate.

Sa halip, bibigyan muna umano sila ng pagkakataong kumpletuhin ang kinakailangang authorization.

Gayunman, mahigpit na nagbabala ang LTO laban sa paggamit ng mga pekeng plaka na ipinagawa lamang sa labas at hindi dumaan sa tamang proseso.

Ayon kay ARD Tuddao, maaaring kumpiskahin ang pekeng plaka ngunit kung may maipapakitang patunay ang motorista na mayroon na itong aplikasyon at bayad para sa duplicate plate, hindi muna umano ito papatawan ng multa.

Sa halip, papayuhan itong sumunod sa tamang proseso at kumuha ng kaukulang authorization para sa paggamit ng improvised o temporary plate.