--Ads--

Nasawi ang dalawang Pilipinong seafarer matapos tamaan ng hindi pa nakikilalang projectile ang isang Saudi Arabia-flagged oil tanker habang papalapit ito sa Strait of Hormuz.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), 16 na Pilipinong seafarer ang sakay ng oil tanker na Sidr nang mangyari ang insidente sa karagatan sa bahagi ng Oman.

Nagkaroon ng sunog sa barko na agad namang na-contain ng mga tripulante, subalit dalawa sa mga Pilipino ang nasawi.

Nailipat na sa Oman ang mga labi ng dalawang biktima, habang ligtas naman ang 14 na iba pang Pilipinong seafarer na kasalukuyang inaayos ang pagpapauwi sa Pilipinas.

--Ads--

Batay sa paunang impormasyon ng DMW, galing sa silangang bahagi ng United Arab Emirates ang tanker at patungo umano sa Strait of Hormuz nang atakehin sa karagatan sa labas ng Oman.

Nilinaw naman ng DMW na paunang impormasyon pa lamang ito at kailangan pang makumpirma ang eksaktong ruta ng barko.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa employer at ship manager ng barko para sa kaukulang tulong sa mga nakaligtas na seafarer at pamilya ng dalawang nasawi.

Personal namang bibisitahin ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, kasama ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, ang mga pamilya ng mga nasawi upang matiyak ang kanilang pangangailangan at tulong.

Nananatiling naka-red alert ang DMW dahil itinuturing pa ring high-risk area ang Strait of Hormuz.

Ayon sa ahensya, 31 barkong may sakay na mga Pilipinong seafarer ang inatake habang dumadaan sa Strait of Hormuz mula Pebrero 28. Umabot sa 421 Pilipinong seafarer ang sakay ng mga naturang barko, kung saan 268 na ang nakabalik sa Pilipinas.

Tinatayang nasa 3,000 Pilipinong seafarer pa ang nasa Persian Gulf, bagama’t hindi nangangahulugang lahat ng mga ito ay kasalukuyang nasa Strait of Hormuz.

Patuloy namang inaatasan ng DMW ang mga shipowner na magsagawa ng risk assessment bago bumiyahe, tiyakin ang sapat na security protocols at reporting mechanisms, at kilalanin ang karapatan ng mga Pilipinong seafarer na tumangging bumiyahe sakaling patungo sa mga high-risk area ang kanilang barko.

Nakikipag-ugnayan din ang DMW sa Department of Foreign Affairs at Department of National Defense sa patuloy na pagmomonitor sa security situation sa loob at paligid ng Strait of Hormuz.