Aabot sa 18 katao ang nasawi habang 108 iba pa ang nasugatan sa umano’y magkakasunod na pag-atake ng United States sa Iran, ayon kay Iranian Health Minister Mohammad-Reza Zafarghandi.
Sinabi niyang naganap ang mga pag-atake noong Martes ng gabi at tumama umano sa ilang sibilyang lugar at service infrastructure, na nagdulot din ng pinsala sa pampubliko at pribadong ari-arian.
Mariing kinondena ng Iranian Foreign Ministry ang tinawag nitong bagong “acts of aggression” ng U.S., at iginiit ang determinasyon ng Iran na ipagtanggol ang kanilang kasarinlan, soberanya at teritoryal na integridad. Samantala, sinabi ng U.S.
Central Command na matagumpay nilang isinagawa ang isang serye ng airstrikes laban sa mga military target ng Iran, bilang tugon umano sa mga tangkang pag-atake ng Islamic Revolutionary Guard Corps laban sa commercial shipping sa Strait of Hormuz at mga tauhang Amerikano.
Bilang ganti, inatake naman ng Iran ang mga U.S. base at assets sa Jordan, Kuwait, Bahrain, Iraqi Kurdistan at United Arab Emirates.





