--Ads--

Muling nagtala ng pinakamababang halaga ang piso matapos magsara sa ₱63.52 kontra dolyar nitong Huwebes, sa kabila ng mas mataas sa inaasahang 50-basis-point interest rate hike ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Bumagsak ang piso ng 15.9 centavos mula sa naunang record low na ₱63.361 kada dolyar, habang umabot naman sa ₱63.545 ang pinakamahina nitong halaga sa kalakalan.

Ayon sa mga market trader, patuloy na nakaaapekto sa piso ang paglakas ng dolyar at pangamba sa pagtaas ng presyo sa bansa. Posible ring lalo pang lumakas ang dolyar dahil sa inaasahang pagtataas ng interest rate ng US Federal Reserve.

Dagdag sa pressure sa piso ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na pinalalala ng sigalot sa Middle East at nagpapalaki sa gastusin ng Pilipinas sa mga inaangkat na produkto.

--Ads--

Ayon kay Ser Percival Peña-Reyes ng Ateneo Center for Economic Research and Development, posibleng masubok ang antas na ₱64 kada dolyar sa mga susunod na araw o linggo kung mananatiling mataas ang presyo ng langis at malakas ang dolyar.

Samantala, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na hindi nagtatakda ang Bangko Sentral ng partikular na halaga ng palitan ng piso at dolyar. Nakatuon ang interbensiyon nito sa pagpigil sa labis na pagbabago ng palitan na maaaring magpalala ng implasyon.