Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang batas na magpapalawig sa termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan o SK officials mula apat tungong limang taon.
Sa botong 211 pabor, 13 tutol at isang abstention, inaprubahan ng mga mambabatas ang House Bill 10971 sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa ilalim ng panukala, ipagpapaliban ang susunod na Barangay at SK Elections o BSKE at itatakda na sa 2028 sa halip na ngayong taon.
Tinutulan naman ito ni House Assistant Minority Leader Renee Co ng Kabataan Party-list.
Ayon kay Co, malinaw na halimbawa ito ng pagpapatuloy ng political patronage.
Iginiit din niya na kailangan ng compelling governmental interest o tunay na emergency upang maipagpaliban ang halalan, alinsunod umano sa naging pahayag ng Supreme Court.
Matatandaang kamakailan lamang na napalawig mula tatlo tungong apat na taon ang termino ng mga barangay at SK officials, ngunit muli itong nais palawigin sa ilalim ng bagong panukala.
Samantala, kailangan pa itong talakayin at pagdesisyunan ng Senado bago tuluyang maging batas.











