--Ads--

Umabot na sa 34 na motorista ang nasita ng mga awtoridad sa bayan ng Aurora, Isabela dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas trapiko kasunod ng pinaigting na pagbabantay sa mga lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Bernard Sumbillo, Team Leader ng Public Order and Safety Unit (POSU) Aurora, sinabi nitong nangunguna sa mga naitatalang paglabag ang hindi pagsusuot ng helmet ng mga nagmomotorsiklo.

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad, marami pa rin umanong motorista ang bumibiyahe nang walang protective helmet.

Binigyang-diin ni Sumbillo na hindi lamang ito usapin ng pagsunod sa batas kundi mahalagang hakbang upang maiwasan ang malubhang pinsala sa ulo sakaling masangkot sa aksidente.

--Ads--

Samantala, mas nakatuon ngayon ang kanilang operasyon sa traffic management dahil sa mga isinasagawang pagkukumpuni sa highway sa bayan, kung saan kinakailangan ang mas mahigpit na pagbabantay upang mapanatili ang maayos na daloy ng mga sasakyan at maiwasan ang pagsisikip sa mga apektadong bahagi ng kalsada.

Gayunman, tiniyak ni Sumbillo na nagpapatuloy pa rin ang pagsita sa iba pang motorista na lumalabag sa mga regulasyon sa kalsada.

Inihayag din niya na mayroon pang ilang nasitang motorista ang hindi nakapagbabayad ng kaukulang multa.

Nilinaw naman ng POSU official na hindi nila kinukumpiska ang mga lisensya ng mga nahuhuling lumalabag sa batas trapiko.

Muli niyang hinikayat ang mga motorista na pairalin ang disiplina at sumunod sa mga regulasyon, partikular ang pagsusuot ng helmet bilang pangunahing proteksiyon ng mga nagmomotorsiklo laban sa panganib sa kalsada.