--Ads--

Aasahang mas tataas ang temperatura sa Pilipinas sa mga susunod na buwan habang patuloy na lumalakas ang El Niño phenomenon, ayon sa PAGASA.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat, na nagdadala ng mga yugto ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa. Ang paglakas ng Habagat ay isa sa mga katangiang iniuugnay sa kasalukuyang El Niño.

Samantala, mas mainit na temperatura, mataas na humidity at heat index ang nararanasan sa mga lugar na hindi direktang naaapektuhan ng Habagat, partikular sa Mindanao.

Inaasahan namang magbabago ang kondisyon pagsapit ng Nobyembre, kung kailan unti-unting bababa ang dami ng ulan sa bansa.

--Ads--

Maaaring umabot sa mahigit 80 porsiyento ang pagbaba ng rainfall sa mga susunod na buwan, partikular pagsapit ng katapusan ng Nobyembre.

Posibleng makaranas din ng meteorological drought ang ilang lugar sa Luzon na matinding naapektuhan ng Habagat. Maaari rin itong maranasan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Bukod dito, maaaring maapektuhan ng El Niño ang Amihan season, na karaniwang nararanasan mula Oktubre hanggang Marso. Dahil dito, posibleng hindi gaanong malamig ang hanging Amihan kumpara sa mga nakaraang taon.

Posible ring makapagtala ang bansa ng mas mataas na temperatura sa araw at gabi, gayundin ng mataas na heat index, lalo na habang papalapit ang mainit at tuyong panahon sa susunod na taon.

Dahil dito, nakikipag-ugnayan na ang PAGASA sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang sektor ng agrikultura at kalusugan, upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng matinding init.

Batay naman sa pinakahuling monitoring ng PAGASA, moderate to strong El Niño na ang umiiral sa Tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy hanggang unang bahagi ng 2027. Posible rin itong umabot sa very strong state bago matapos ang 2026.