Ramdam na ng mga consumer ang pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas o LPG sa nakalipas na mga linggo, na umaabot sa ₱70 hanggang ₱100 ang naging dagdag-presyo kada 11-kilogram cylinder depende sa brand.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robinson Calderon, LPG Dealer sa Cauayan City, sinabi nitong magkakaiba ang naging adjustment ng bawat LPG brand, dahilan upang mag-iba rin ang halaga ng dagdag-presyo sa bawat produkto.
Ayon kay Calderon, may ilang brand na dalawang beses nagpatupad ng price increase, kung saan hinati sa dalawang magkahiwalay na adjustment ang kabuuang dagdag-presyo na umaabot naman sa ₱110 kada 11-kilogram cylinder.
Dahil sa laki ng naging dagdag-presyo, may ilang consumer umano ang nagugulat kapag nalalaman ang kasalukuyang presyo ng LPG, partikular na ang mga hindi nakasubaybay sa mga naunang price adjustment.
Gayunman, sinabi ni Calderon na may mga mamimili pa ring patuloy na bumibili ng LPG sa kabila ng pagtaas ng presyo.
Aniya, batid na ng ilang consumer ang mga naging price increase ngunit nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagbili dahil itinuturing nilang pangunahing pangangailangan ang LPG, lalo na para sa pang-araw-araw na pagluluto.
Dahil dito, kahit nadagdagan ang kanilang gastusin, patuloy pa ring naglalaan ng budget ang mga kabahayan para sa pagbili ng LPG.
Samantala, nagkakaiba ang presyo ng LPG sa merkado depende sa brand at lugar ng pagbebentahan.
Pinapayuhan naman ang mga mamimili na alamin ang kasalukuyang presyo bago bumili at ikumpara ang halaga ng iba’t ibang brand upang matukoy kung alin ang mas pasok sa kanilang budget.
Patuloy ding inaabangan ng mga consumer at LPG dealers ang magiging galaw ng presyo sa mga susunod na linggo, lalo na kung magkakaroon pa ng panibagong price adjustment na maaaring higit pang makaapekto sa gastusin ng mga kabahayan.








