--Ads--

Arestado ang tatlong katao sa isinagawang entrapment operation ng LPG National Task Force matapos umanong mahuling iligal na inilalabas ang mga LPG cylinder na pag-aari ng isang gas company sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City.

Ang mga suspek ay itinago sa alyas “Mon,” 41-anyos, driver at residente ng Luna, Isabela; alyas “Boy,” 24-anyos, helper at residente ng Brgy. Oscariz, Ramon, Isabela; at alyas “Jo,” 30-anyos, roving head o branch head ng isang LPG distribution firm at residente ng Brgy. Rizal, Cauayan City.

Ayon sa pulisya, nagsagawa ng entrapment operation ang LPG National Task Force matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang gas company kaugnay ng umano’y paulit-ulit na pagkawala ng mga LPG cylinder sa kanilang warehouse sa Reina Mercedes, Isabela.

Sa isinagawang surveillance, namataan ng mga operatiba ang mga delivery personnel na sangkot sa iligal na paglalabas ng mga LPG cylinder. Sa aktuwal na operasyon, nahuli umano sa akto ang mga suspek habang ibinababa at ipinapasa ang isang LPG cylinder sa isang indibidwal nang walang pahintulot ng may-ari.

--Ads--

Narekober mula kay alyas Jo ang isang orange na LPG cylinder na may laman ngunit walang safety seal, habang isang bakanteng orange na LPG cylinder naman ang nakuha mula kay alyas Boy. Tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,169 ang kabuuang halaga ng mga nakuhang cylinder.

Dinala ang tatlong suspek sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at masusing imbestigasyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong Qualified Theft laban sa kanila.