Kinoronahan bilang Binibining Santiago 2026 si Precious Mae Divina ng Barangay Batal matapos mangibabaw sa 20 kandidata mula sa iba’t ibang barangay ng Santiago City, Isabela.
Isinagawa ang coronation night sa Santiago City Sports Arena sa Barangay Balauarte nitong Setyembre 19, na dinaluhan ng libo-libong Santiagueño.
Bukod sa pangunahing korona, humakot din si Divina ng People’s Choice Award at walong corporate awards.
Nakuha naman ni Miles Obra ng Barangay Patul ang titulong Binibining Santiago-Turismo, habang si Precious Jewel Joy Pascual ng Barangay Balauarte ang itinanghal na Binibining Santiago-Sining at Kultura.
Si Reylyn Gamayo naman ng Barangay Naggasican ang nagwagi bilang Binibining Santiago-Kalikasan.
Mula sa 20 kandidata, walong finalist ang umabot sa question-and-answer portion bago napili ang apat na magtutunggali sa huling bahagi ng kompetisyon, batay sa kanilang mga naging kasagutan at confidence.
Naging bahagi rin ng pageant sina King of Talk Boy Abunda at Miss Philippines Earth 2025 Joy Barcoma bilang mga host.
Ang Binibining Santiago 2026 ay bahagi ng Tourism Month Celebration ng lungsod na pinangunahan ni City Mayor Atty. Sheena Tan kasama ang iba pang opisyal ng Santiago City.






