Nagpatupad ang Pamahalaang Bayan ng Ramon ng mahigpit na austerity measures sa paggamit ng gasolina at mga sasakyang pag-aari ng munisipyo sa ilalim ng Executive Order No. 2026-69 na nilagdaan ni Mayor Giovanni M. Vizcarra.
Sa ilalim ng kautusan, binigyan ng fuel allocation ceiling ang bawat departamento at kinakailangang may aprubadong trip ticket at work plan bago makakuha ng fuel.
Ipinagbabawal din sa mga opisyal at empleyado ng munisipyo ang pagtanggap ng gasolina o fuel assistance mula sa mga pribadong indibidwal, supplier at contractor na may transaksyon sa lokal na pamahalaan.
Nilimitahan din ang paggamit ng mga government vehicle sa mga opisyal na gawain lamang, habang hinihikayat ang carpooling o paggamit ng pampublikong transportasyon para sa ilang biyahe.
Inatasan naman ang General Services Office at Municipal Accountant na magsagawa ng regular na monitoring at audit upang matiyak ang maayos at episyenteng paggamit ng pondo at mga sasakyan ng munisipyo.











