Inaasahang aabot sa record-high na 1.94 milyon units ang bentahan ng motorsiklo sa Pilipinas sa pagtatapos ng 2026 sa kabila ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA), katumbas ito ng apat na porsyentong pagtaas kumpara sa 1.87 milyong units na naibenta noong 2025.
Batay sa datos ng grupo, umabot na sa 1.46 milyong units ang bentahan sa unang siyam na buwan ng taon, mas mataas ng limang porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay MDPPA President Erwin Estrada, nakatulong sa pagtaas ng demand ang mahal na presyo ng gasolina dahil mas pinipili ng ilang mamimili ang motorsiklo upang makatipid sa gastusin sa transportasyon.
Inaasahan din ng grupo na magpapatuloy ang paglago ng industriya sa 2027, kung saan posibleng umabot sa 1.98 milyong units ang bentahan o dalawang porsyentong pagtaas mula sa inaasahang sales ngayong taon.





