--Ads--

Nagpaalala ang Philippine Embassy sa France sa mga Pilipino roon kaugnay ng mga ilegal na sugal at sabong na umano’y isinasagawa ng ilang Filipino sa bansa.

Ayon sa Embahada, nakatanggap ito ng abiso mula sa French authorities hinggil sa naturang mga aktibidad, kabilang na ang mga reklamo sa pag-iingay, panggugulo sa kapayapaan at pagtatapon ng basura na may kaugnayan dito.

Binigyang-diin ng Embahada na ang ilegal na sabong ay itinuturing na animal cruelty sa France at maaaring maparusahan ng hanggang tatlong taong pagkakakulong at multang 45,000 euros.

Hinimok naman ang mga Pilipino sa France na igalang at sundin ang mga batas ng bansa bilang bahagi ng kanilang responsibilidad bilang mga residente at manggagawa roon.

--Ads--

Nanawagan din ang Embahada na panatilihin ng Filipino community ang magandang pangalan at reputasyon ng mga Pilipino sa pakikitungo sa kanilang mga French hosts.