Isinagawa kahapon ang huling araw ng selebrasyon ng Department of Tourism o DOT na may temang “Filipino Pride of Service and Excellence” na ginanap sa FLDY Coliseum sa Lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ms. Carla Castillejo Maramag, BSTM Program Chairman ng Isabela State University (ISU) Cauayan, inihayag nito na ang layunin ng selebrasyon ay maipromote ang mga produkto at serbisyong mayroon ang lungsod, pati na rin ang paghikayat sa publiko na tangkilikin ang gawang Pinoy.
Naging bahagi ng nasabing selebrasyon ang mga estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan sa lungsod, pati na rin ang mga negosyo sa sektor ng food and beverages at mga MSMEs.
Nabigyan sila ng pagkakataon na mai-showcase ang kanilang mga sariling produkto at serbisyo na nagbibigay-karangalan sa Cauayan City.
Samantala, ngayong araw isinagawa sa FLDY Coliseum ang pagbibigay-pagkilala at recognition sa mga hotel, restaurant, at travel agencies na may malaking kontribusyon sa pagpapalago ng turismo sa lungsod.
Nag-iwan naman ng mensahe at panghihikayat si Ms. Carla Maramag sa mga mamamayan. Na mahalin at tangkilikin ang siyudad dahil ito ang magbibigay daan sa pagpapalago ng ating siyudad.











