--Ads--

Opisyal nang ipinakilala ng Department of Tourism (DOT) ang P-pop group na SB19 bilang isa sa mga pinakabagong tourism ambassadors ng bansa, kasunod ng paghirang sa girl group na BINI ngayong buwan.

Sa inilabas na pahayag ng DOT noong Hulyo 26, inilarawan ang SB19 bilang isang “source of national pride” at isa sa mga pinakamahusay na kinatawan ng kulturang Pilipino sa pandaigdigang entablado.

Binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Justin at Ken, matagal nang pinag-uusapan ang posibilidad na italaga ang SB19 bilang tourism ambassador matapos ipahiwatig ng ahensya na dalawang P-pop groups ang kukunin nito para sa naturang kampanya.

Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, hindi maikakaila ang talento at impluwensya ng SB19, na umabot na sa mga tagahanga sa Estados Unidos, Europa, mga bansang ASEAN at iba pang bahagi ng mundo.

--Ads--

Sinabi ni Angara-Mathay na maraming Filipino-American ang muling bumibisita sa Pilipinas upang mapanood nang personal ang grupo, habang maging ang mga tagahanga mula sa Taiwan, Bangkok at iba pang kalapit-bansa ay nahihikayat ding bumiyahe patungo sa bansa dahil sa kanilang suporta sa SB19.

Aniya, ang malawak na impluwensya ng grupo ay nagbibigay ng konkretong dahilan para bisitahin ng mga dayuhan ang Pilipinas, bagay na nais pang palawakin ng DOT sa pamamagitan ng kanilang bagong tungkulin bilang tourism ambassadors.

Samantala, abala rin ang SB19 sa mga nakatakdang internasyonal na aktibidad ngayong linggo. Inaasahang sila ang maghahagis ng ceremonial first pitch sa isang laro ng Major League Baseball bago ang paghaharap ng Chicago White Sox at New York Yankees sa Hulyo 29. Sa Hulyo 30 naman, magiging kauna-unahang Filipino act ang SB19 na magtatanghal sa prestihiyosong Lollapalooza music festival sa Chicago, na mapapanood nang live sa Disney+ Philippines.