--Ads--

Nasungkit ni 18-anyos na Filipino gymnast Eldrew Yulo ang tansong medalya sa men’s horizontal bar final ng 2026 Asian Games nitong Biyernes sa Nagoya General Gymnasium sa Japan.

Ito ang unang medalya ni Yulo sa kanyang debut sa Asian Games matapos magtapos sa ikatlong puwesto sa artistic gymnastics event.

Nagtala si Yulo ng kabuuang 13.666 points, kapantay ng puntos ni Kazakhstan gymnast Milad Karimi. Gayunman, mas mataas ang execution score ng Filipino gymnast na 8.566 kumpara sa 7.766 ni Karimi, dahilan upang makuha niya ang bronze medal.

Nasungkit naman ng China’s Hao Tian ang gintong medalya matapos magtala ng 14.700 puntos, habang silver medal naman ang naiuwi ng hometown bet na si Shinnosuke Oka sa 14.033 puntos.

--Ads--

Naging emosyonal si Yulo matapos makita ang resulta ng kanyang performance, lalo’t ito ang kanyang unang podium finish sa Asiad.

Ayon kay Yulo, halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman matapos ang laban dahil hindi niya malaman kung siya ay malulungkot, matutuwa, maipagmamalaki ang kanyang sarili o mapapaiyak.

Sinabi rin niya na ipinagdasal niya sa Diyos na kung nakalaan para sa kanya ang tagumpay, ibibigay ito sa kanya.

Si Yulo ang huling Filipino gymnast na lumaban sa final day ng gymnastics competition sa Asian Games, matapos namang masungkit ng kanyang nakatatandang kapatid na si Carlos Yulo ang isa pang gintong medalya para sa Pilipinas sa vault final.