--Ads--

Natukoy na ang pagkakakilanlan ng lalaking nasangkot sa isang aksidente sa Barangay Minanga, Naguilian, Isabela, matapos unang maiulat na isang hindi pa nakikilalang indibidwal ang sangkot sa insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Arvin Asuncion, hepe ng Naguilian Municipal Police Station, residente ng Cauayan City ang biktima na lulan ng motorsiklo at bumibiyahe patungong Cauayan City mula Naguilian nang bigla umano itong matumba.

Agad na nagkasa ng responde ang mga tauhan ng Naguilian Municipal Police Station, katuwang ang rescue personnel ng bayan, matapos matanggap ang ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente.

Isinugod ang biktima sa Pinakamalapit na ospital sa bayan ng Naguilian para sa agarang atensiyong medikal.

--Ads--

Naging mahalagang bahagi naman sa pagkilala sa biktima ang impormasyon na kumalat sa social media, partikular ang panawagan ng BGD Command Center ng Cauayan City sa mga posibleng kaanak ng lalaking hindi pa nakikilala.

Matatandaang dakong alas-5:56 ng umaga nang unang iulat ang insidente sa Barangay Minanga, kung saan isang lalaki ang natagpuang sangkot sa aksidente at wala pang pagkakakilanlan sa mga unang sandali ng pagresponde.

Batay sa impormasyong inilabas ng Rescue Naguilian, isang kulay-abong Mio Sporty na may plakang 167 BEO ang motorsiklong kinasasangkutan ng biktima.

Samantala, nilinaw ng pulisya na wala pang sapat na impormasyon upang makumpirmang nasa impluwensiya ng alak ang biktima nang maganap ang insidente.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at iba pang salik na maaaring may kaugnayan sa pagkakatumba ng motorsiklo.

Muling nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na panatilihin ang ibayong pag-iingat sa pagmamaneho, sumunod sa mga panuntunan sa lansangan at tiyaking maayos na nakasuot ng protective helmet sa bawat biyahe.