Nasa ₱100 ang naging consensus o napagkasunduang halaga ng mga manggagawa sa isinagawang public hearing kaugnay ng panukalang dagdag-sahod sa Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Johnny Alvaro, labor sector representative ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board o RTWPB-2, nilinaw niya na hindi pa ito maituturing na pinal na hiling o petition ng mga manggagawa dahil bahagi lamang ito ng isinagawang konsultasyon.
Aniya, may ilang manggagawang nagbanggit ng halagang ₱50 at ₱70, ngunit matapos ang workshop at pag-uusap ng mga kalahok, ₱100 ang naging consensus na halaga.
Binigyang-diin ni Alvaro na minimum wage lamang ang saklaw ng kapangyarihan ng RTWPB at hindi nito maaaring itakda ang across-the-board wage increase.
Samantala, sinabi niyang iba naman ang naging posisyon ng mga employer sa public hearing, kung saan hiling nila ang pagpapaliban muna ng wage increase dahil sa umano’y matumal na takbo ng negosyo at kanilang kakayahang magbigay ng dagdag-sahod.
Gayunman, umaasa si Alvaro na magkakaroon pa rin ng wage increase sa Region 2, bagama’t hindi pa matukoy kung magkano.
Kabilang umano sa mga salik na pag-aaralan ng RTWPB sa deliberasyon ang kakayahan ng mga employer, kalagayan ng ekonomiya ng rehiyon, at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kuryente, LPG at pamasahe.
Inaasahang magsisimula ang deliberasyon ng RTWPB-2 sa unang bahagi ng Oktubre, bagama’t wala pa umanong itinakdang eksaktong petsa.
Kapag nagkasundo sa magiging halaga ng dagdag-sahod, ilalabas ang wage order at magiging epektibo ito 15 araw matapos mailathala.











