--Ads--

Nagsagawa na ng konsultasyon ang Regional Tripartite Wage and Productivity Board (RTWPB) Region 2 sa iba’t ibang sector para rebisahin ang kasalukuyang wage rate sa Lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Sector Rep. Johnny Alvaro ng RTWPB Region 2, sinabi nito na ang walong sectoral consultations ay isinagawa noong Setyembre 1 hanggang Setyembre 4 bilang bahagi ng kanilang mandato na rebisahin ang umiiral na wage rate 60 araw bago ang anibersaryo ng huling pagdedeklara ng wage order.

Aniya, kinonsulta nila ang lahat ng sector na kinabibilangan ng mga employer at manggagawa upang malaman ang kanilang hinaing at pananaw kung kinakailangan na bang dagdagan ang pasahod sa Rehiyon.

Batay dito, halos lahat aniya ng nasa labor sector ay nagpahayag ng interes na madagdagan ang sahod dahil sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pangunahing pangangailangan.

--Ads--

Matapos ang konsultasyon ay nakatakda namang magsagawa ng public hearing ang kanilang hanay. Dito inaasahang magsusumite ang Employer at Labor Sector ng kanilang official position paper.

Unang isasagawa ang Public Hearing sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya, na susundan ng Quirino, Isabela, at Cagayan.

Pagkatapos ma-consolidate ang  posisyon ng lahat ng sector ay uumpisahan na ang wage deliberation. Dito pagdedebatehan at dedesisyunan kung magkano ang dapat ilabas na umento batay sa mga datos na nalikom mula isinagawang konsultasyon at public hearing.

Tiniyak ni Alvaro na magiging balanse ang kanilang pagtaya sa sitwasyon ng mga manggagawa at employer hinggil sa usapin ng pasahod.