--Ads--

Sinabi ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Francis Escudero na hindi nakasaad sa 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte ang isang P6-milyong ari-arian sa Matina, Davao City na nakuha nito noong Hulyo 2024.

Ayon kay Escudero, lumabas sa testimonya ni Davao City Register of Deeds IV Atty. Kathy Florence Baldonado na nakuha ng Bise Presidente ang 379-square-meter na lupa noong Hulyo 2, 2024.

Sinabi ni Escudero na napatunayang tunay ang mga SALN ni Duterte matapos itong kilalanin at markahan bilang ebidensya ng magkabilang panig at maisumite nang may panunumpa.

Dagdag niya, sinuri ng impeachment court ang mga deklarasyon sa SALN ng Bise Presidente ngunit hindi nakita ang naturang ari-arian sa listahan ng mga real property na idineklara nito.

--Ads--

Kasalukuyang inihaharap ng prosecution panel ang mga ebidensya kaugnay ng Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte na may kinalaman sa umano’y unexplained wealth, kabilang ang alegasyong hindi ganap na pagdedeklara ng mga ari-arian sa SALN at hindi pag-divest sa ilang negosyo gaya ng itinatadhana ng Konstitusyon para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Wala pang pahayag ang kampo ni Vice President Duterte kaugnay sa naging pahayag ni Escudero sa pagdinig ng impeachment court.