--Ads--

Agad nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi subpoena ang ipapadala kay Vice President Sara Duterte at kapatid nitong si Davao City 1st District Representative Paolo Duterte para hingan ng pahayag kaugnay ng alegasyon ng dating police patrolman na si Rodulfo Gracioso Jr. tungkol sa umano’y paghahatid ng maleta-maletang pera.

Sinabi ni Gracioso na naghahatid siya ng mga maleta na naglalaman ng pera kina VP Sara, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Cong. Pulong.

Ang paghahatid nito ng pera ay batay sa utos ni dating House Speaker Lord Alan Velasco.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, imbitasyon lamang at hindi subpoena ang ipapadala sa mga personalidad.

--Ads--

Nais kasing iharap ng NBI sa Bise Presidente ang kopya ng affidavit at mga larawan na isinumite ni Gracioso upang siya mismo ang makapagbigay ng pahayag tungkol sa mga alegasyon.

Nakatakda ring imbitahan ng NBI si dating House Speaker Velasco at ang kanyang asawa na kabilang sa mga personalidad na binanggit sa affidavit ni Gracioso.

Una nang itinanggi ni VP Sara ang alegasyon at sinabing hindi niya kilala si Gracioso at wala siyang kailanman natanggap na pera mula rito.

Pero naglabas naman ng resibo si Gracioso at nagpakita ng mga larawan na kasama mismo ang bise presidente.

Hinamon din ng dating pulis ang bise presidente na magpa-lie detector test sa NBI gaya ng kanyang ginawa.