Nakakuha ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng panibagong freeze order mula sa Court of Appeals laban sa mga asset na inuugnay sa isang kilalang mambabatas, isang korporasyon at ilang indibidwal at entity na sinasabing sangkot sa anomalya sa flood control projects at mas malawak na umano’y kickback scheme sa pondo ng pamahalaan.
Inilabas ng Court of Appeals ang freeze order sa resolusyong may petsang Setyembre 21 matapos makitaan ng probable cause na may kaugnayan sa plunder ang mga naturang asset.
Saklaw ng freeze order ang 86 bank accounts, apat na investment accounts, isang insurance policy at 25 virtual asset wallets.
Batay sa financial investigation ng AMLC, walang nakitang sapat na operating revenues ang mga indibidwal na sangkot upang suportahan ang laki ng kanilang mga investment.
Nakita rin umano na dumaan ang mga pondong kaugnay ng mga investment sa iba’t ibang layer ng transaksyon, kabilang ang mga indibidwal na intermediary, korporasyon, bank accounts, money service business at virtual asset platform.
Ayon sa AMLC, naging mas mahirap dahil dito ang pagtunton sa pinagmulan ng pera dahil dumaan ito sa maraming recipient at financial channels bago umano maiugnay sa sinasabing pinagmulan nitong mga pondong konektado sa corruption at plunder cases na kinasasangkutan ng naturang mambabatas.
Binigyang-diin din ng AMLC na ipinapakita ng kaso kung paano maaaring gamitin ang mga bagong financial technology, kabilang ang virtual assets, upang itago ang umano’y kickbacks.
Ayon sa konseho, ginamit umano ang mga virtual asset service provider at maraming digital wallets sa pag-layer ng mga transaksyon, na lalong nagpapahirap sa pagsubaybay sa daloy ng pera.











