--Ads--

Naharap sa sunud-sunod na pagtatanong ang tinaguriang “super witness” ng kampo ni Vice President Sara Duterte matapos aminin na hindi niya nasuri ang mga dokumentong pinagbata­yan ng forensic report ng prosekusyon.

Sa ika-44 na araw ng impeachment trial, kinumpirma ni Atty. Rainer dela Fuente, opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat, na wala siyang natanggap na kopya ng AMLC records, bank statements, insurance placements, at General Information Sheets (GIS) ng mga kumpanyang iniuugnay kay Duterte.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Bam Aquino, paulit-ulit na “None, Your Honor” ang naging sagot ni dela Fuente.

Inamin din ni Dela Fuente kay Senator-Judge Risa Hontiveros na hindi niya nabasa ang buong forensic report ni prosecution expert witness Atty. Alexander Cabrera.

--Ads--

Dahil dito, kinuwestiyon ni Senator-Judge Joel Villanueva kung paano kokontrahin ni dela Fuente ang forensic report ng prosecution witness kung hindi naman ito ibinigay sa kanya ng depensa para masuri.

Inamin ni defense counsel Atty. Mark Vinluan na hindi nila ipinakikita nang buo ang ulat at nais nilang hingin lamang ang pangkalahatang komento ng saksi sa mga bahagi nitong inilalahad sa korte.

Para kay Senator-Judge Erwin Tulfo, walang sapat na bata­yan ang mga pahayag ng testigo dahil hindi niya personal na sinuri ang mga kaugnay na dokumento, kabilang ang Suspicious Transaction Reports (STRs) at Covered Transaction Reports (CTRs).

Kinuwestiyon din ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang kakayahan ni dela Fuente na kontrahin ang pagsusuri ni Cabrera, dating Chairman Emeritus ng PwC Philippines.

Mariin din niyang pinuna ang depensa sa pagpapakilala kay Dela Fuente bilang “super witness,” lalo’t tila hindi nito nasasagot nang sapat ang mga tanong ng mga senator-judge.

Dahil sa mga pag-aming ito, naging usapin sa paglilitis ang kredibilidad at bigat ng testimonya ni Dela Fuente laban sa forensic report ng prosekusyon.