--Ads--

Nagbabala ang defense panel ni Vice President Sara Duterte na maaaring lumabag sa confidentiality at sa batas ang pagpayag sa testimonya ni Anti-Money Laundering Council o AMLC Executive Director Ronel Buenaventura sa impeachment trial.

Sa pahayag ng defense counsel na si Mark Vinluan, sinabi niyang maaaring malabag ang karapatan ni Duterte dahil sa pagbubunyag ng confidential information kaugnay ng bilyun-bilyong pisong transaksyon sa mga account ng bise presidente at ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Ayon kay Vinluan, hindi umano nagtatago ng anuman si Duterte, ngunit dapat munang dumaan sa tamang verification process ang mga datos at hindi basta ibunyag sa publiko sa paraang maaaring magamit para sa political gain.

Iginiit din ni Vinluan na tahasang ipinagbabawal ng Section 8A ng Anti-Money Laundering Act ang pagbubunyag ng impormasyong natanggap o naproseso ng AMLC at ng secretariat nito.

--Ads--

Binigyang-diin niyang saklaw ng confidentiality ang mga impormasyong isinumite ng mga bangko at iba pang covered persons sa AMLC, at hindi umano gumagawa ng exception ang batas para sa impeachment proceedings.

Sinabi rin ni Vinluan na may paalala mismo ang AMLC sa paggamit ng mga ulat nito, kabilang ang pangangailangang beripikahin at panatilihing confidential ang impormasyon, gamitin lamang para sa intelligence purposes at huwag gamitin bilang ebidensiya sa formal proceedings nang walang kaukulang pahintulot.

Dahil dito, sinabi ng defense panel na hindi sila magiging kasabwat sa anumang paglabag sa batas at nakalaan kay Duterte ang karapatang gumawa ng kaukulang legal na hakbang laban sa sinumang lalabag sa kanyang mga karapatan.