--Ads--

Tuluyan nang hindi ihaharap ng House Prosecution Panel si dating Senador Antonio Trillanes IV bilang testigo sa ikalawang Article of Impeachment na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, pinal na ang desisyon at hindi na ito babawiin ng prosekusyon.

Sinabi ni Luistro na si Trillanes mismo ang humiling na huwag na siyang ipresenta bilang testigo sa impeachment trial kaya mas mainam na ito na lamang ang tanungin ukol sa naturang desisyon.

Inamin din ni Luistro na matagal na nilang pinag-aaralan kung pananatilihin o aalisin si Trillanes sa listahan ng mga testigo dahil sa dami ng mga testigo at dokumentong kailangang iharap sa paglilitis.

--Ads--

Aniya, may ilang miyembro ng prosecution panel ang nagulat nang ihayag niya ito sa impeachment court dahil noon lamang nila tuluyang napagpasyahan ang usapin.

Samantala, sa kanyang post sa X, sinabi ni Trillanes na hiniling niya kay Luistro na pormal nang bawiin ang kanyang pangalan bilang testigo upang mabawasan ang pressure na kinahaharap ng prosekusyon.

Ayon pa kay Trillanes, magsasagawa na lamang siya ng press conference upang ilahad ang mga impormasyong plano sana niyang ipresenta sa impeachment trial.

Nauna na rin niyang sinabi sa hiwalay na post sa X na mayroon siyang mga bago at mabibigat na ebidensyang ilalabas laban kay Vice President Duterte.