Pinatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang 19 transport network companies o TNCs dahil umano sa hindi pagpapatupad ng itinakdang fare hike para sa TNVS.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Greg Pua, nakatanggap ang ahensya ng mga reklamo na may ilang TNCs na hindi pa rin nagpapatupad ng bagong pasahe.
Itinakda ng Department of Transportation ang bagong base fare sa P65 para sa sedan, P75 para sa AUV/SUV, P55 para sa hatchback at P165 kada kilometro para sa premium vehicles.
Sinabi ni Pua na nakaaapekto sa kita ng mga TNVS driver ang hindi pagpapatupad ng fare hike dahil sila ang sumasagot sa gastos sa gasolina.
Pinagpapaliwanag ang mga TNC kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang accreditation. Nakatakda ang pagdinig sa Oktubre 7.









