Umaaray ang mga commuter sa Lungsod ng Cauayan sa dagdag na ₱10 sa pamasahe ng mga pampublikong jeepney na bumibiyahe sa ilang ruta, na hindi umano aprubado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan sa mga terminal, nasa ₱60 ang regular na pamasahe sa rutang Cauayan–San Mateo na may 22 kilometrong distansiya, habang ₱50 naman para sa mga estudyante at senior citizen.
Sa rutang Cauayan–Roxas na may 32 kilometrong distansiya, nasa ₱80 ang regular na pamasahe at ₱70 para sa mga pasaherong may diskwento.
Gayunman, batay sa opisyal na fare matrix ng LTFRB, nasa ₱60 lamang ang regular na pamasahe para sa 32-kilometrong biyahe, na mas mababa ng ₱20 kumpara sa kasalukuyang singil sa terminal.
Ayon sa mga tsuper na tumangging magpa-interview ngunit pumayag na maipahayag ang kanilang panig, napilitan ang mga namamahala sa bawat ruta na magpatupad ng dagdag-pasahe dahil sa patuloy na paggalaw ng presyo ng diesel at gasolina.
Aniya, hindi na umano nakasasabay sa kasalukuyang presyo ng petrolyo ang fare matrix ng LTFRB, kaya posibleng malugi ang kanilang kabuhayan kung hindi mag-aadjust sa pamasahe.
Dagdag pa ng mga tsuper, hindi nila ibababa ang dagdag na ₱10 hangga’t hindi umaabot sa ₱55 kada litro ang presyo ng diesel o gasolina.
Samantala, patuloy na umaaray ang mga commuter sa dagdag na pasahe, dahil hindi lamang mga tsuper ang apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Nakatakda namang hingan ng panig ng Bombo Radyo Cauayan News Team ang LTFRB upang malinawan kung may kaukulang pahintulot sa naturang dagdag-singil.











