Nag-isyu na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 1,200 special permits para sa mga provincial bus sa buong bansa bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga pasahero ngayong Undas.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez nitong Lunes, maaari pang dagdagan ang mga permit depende sa hihilingin ng mga bus company upang matiyak na may sapat na masasakyan ang mga uuwi sa kanilang mga probinsya.
Sa kabila ng pagbabawas ng ilang bus line sa kanilang biyahe nitong mga nakaraang linggo dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, sinabi ni Lopez na nakatulong sa mga operator ang pagtaas ng pamasahe sa mga provincial bus upang matugunan ang mas mataas na gastusin sa gasolina.
Patuloy namang minomonitor ng DOTr ang paghahanda sa mga bus terminal, pantalan at paliparan upang matiyak na handa ang mga transport operator sa pagdagsa ng mga biyahero.
Hinimok din ni Lopez ang publiko na bumili ng tiket nang mas maaga at gamitin ang online reservation upang maiwasang maging chance passenger at mabawasan ang paghihintay sa mga terminal.
Samantala, paiigtingin din ng mga awtoridad ang inspeksyon sa mga pantalan at mahigpit na ipatutupad ang limitasyon sa bilang ng mga pasahero at kargamento bilang bahagi ng pagpapabuti sa kaligtasan ng paglalakbay sa dagat.
Bagama’t hindi tinukoy ang overloading bilang sanhi ng sunog sa barkong MV June Aster, sinabi ni Lopez na susuriin din ang pagkakaroon ng sapat na life vest at fire extinguisher upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.











