Sasagutin ng pamahalaan ang ₱60 na dagdag-pasahod para sa mga manggagawa ng kwalipikadong micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Metro Manila sa loob ng tatlong buwan.
Sa ilalim ng Sagip Trabaho Program ng Department of Labor and Employment o DOLE, bibigyan ng subsidy ng gobyerno ang mga kwalipikadong negosyo mula Oktubre hanggang Disyembre upang matulungan silang maipatupad ang bagong minimum wage.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, layunin ng programa na maiwasan ang tanggalan ng mga manggagawa at pagsasara ng mga negosyo habang umaangkop ang mga MSME sa dagdag-pasahod.
Maaaring umabot sa ₱140,000 ang matatanggap na subsidy ng isang kwalipikadong maliit na negosyo sa loob ng tatlong buwan.
Ipinatupad ang programa kasunod ng pagtataas ng minimum wage sa Metro Manila. Para sa non-agricultural workers, umakyat ito sa ₱755 kada araw mula sa dating ₱695.
Para naman sa mga manggagawa sa agriculture, retail at service establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, itinaas ang minimum wage sa ₱718 kada araw mula ₱658.
Tinatayang 1.1 milyon minimum wage earners sa Metro Manila ang makikinabang sa naturang wage increase.











