--Ads--

Sumipa sa hangin, pero gold medal ang naiuwi.

Ito ang virtual taekwondo:

Ang bagong bersyon ng Korean martial art na pinagwagihan ni Jeus Gabriel Derick Yape para maiuwi ang ikaapat na gintong medalya ng Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Japan.

Sa larong ito, naka-VR headset ang mga atleta at may motion-tracking sensors sa kanilang katawan. Bawat sipa at galaw nila ay nasasalin sa kanilang avatar sa virtual world.

--Ads--

Ang target? Ang virtual na katawan at ulo ng kalaban para maubos ang health bar nito.

At ang kakaiba, magkaharap ang dalawang atleta pero hindi sila nagkakasakitan, dahil walang actual physical contact. Kaya puwedeng todo-sipa nang hindi kailangang maghanap ng yelo para sa mga pasa sa katawan pagkatapos ng laban.

Best-of-three ang format at karaniwang 60 seconds ang bawat round. Wala ring weight classes at pinagsasama ang lalaki at babae sa iisang category.

Unang nagkaroon ng world championships sa virtual taekwondo noong 2024 sa Singapore at unang itinampok sa Olympic Esports Week noong 2023.

Sa Asian Games, si Yape ang unang Pilipinong nagkampeon sa event at naghatid ng ikaapat na gold medal ng bansa na patunay na sa sports, minsan, sapat nang tama ang sipa kahit virtual.