Sugatan ang dalawang katao matapos salpukin ng isang Kotse ang isang nakaparadang Wing Van Truck sa National Highway sa Barangay Nueva Era, San Manuel, Isabela, madaling araw nitong ikalima ng oktubre.
Kabilang sa mga sugatan ang 54-anyos na driver ng Toyota Vios at 52-anyos nitong pasahero na kapwa residente ng Barangay San Jose Sur, Mallig, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Leonard Mamerga, hepe ng San Manuel Municipal Police Station, sinabi nitong patungong San Manuel ang naturang kotse nang hindi umano agad napansin ng driver ang truck na nakaparada sa inner lane ng southbound direction.
Ayon kay PCapt. Mamerga, nakaparada ang nasabing truck matapos makaranas ng mechanical problem habang bumibiyahe mula Quirino.
Aniya, may nakalagay naman umanong early warning device sa likurang bahagi nito, ngunit sinabi ng hepe na mahirap umano itong mapansin dahil madilim ang bahagi ng kalsada.
Posible rin umanong nakaapekto sa visibility ng driver ng kotse ang malakas na headlight ng kasalubong nitong sasakyan.
Nang mapansin ang truck, sinubukan umanong umiwas ng driver ng kotse patungo sa shoulder ng southbound lane, subalit hindi na nito naiwasan ang pagkakabangga sa likurang bahagi ng nakaparadang sasakyan.
Agad na Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang dalawang nasugatan para sa kaukulang atensyong medikal.
Hindi naman nasugatan ang tatlo pang sakay ng kotse, kabilang ang isang menor de edad, gayundin ang 36-anyos na driver ng truck na residente ng Barangay Palacian, Aglipay, Quirino.
Patuloy ang imbestigasyon ng San Manuel Municipal Police Station upang matukoy ang buong pangyayari at mga salik na naging dahilan ng aksidente.
Pinaalalahanan naman ang mga motorista na maging maingat at alerto sa pagmamaneho, lalo na sa gabi at madaling araw, at tiyaking madaling makita ang mga warning device kapag napipilitang huminto sa kalsada dahil sa aberya sa sasakyan.











